Proteksyon ng mga civilian informants mula sa NPA, tiniyak ng militar

Siniguro ni Philippine Army 2nd Infantry Division Commander Major General Arnulfo Marcelo Burgos Jr. ang proteksyon ng mga civilian informants at mga biktima ng harassment ng New People’s Army (NPA) sa kanilang area of responsibility.

Ginawa ni Burgos ang pagtiyak matapos na pormal na humiling na mapasailalim sa protective custody ng militar ang tatlong residente ng Barangay San Antonio sa Kalayaan, Laguna na nakatira sa bahay kung saan napatay si Mario Caraig alias Jethro, ang Secretary ng Southern Tagalog Regional Party Committee’s SRMA 4C.

Ang mga sibilyang humingi ng proteksyon ng militar ay sina Virgillo Asedillo, Chloe Anne Asedillo at Marknel Iwarat.


Tinakot umano sila ng NPA para itago si alyas Jethro, na tumakas sa engkwentro noong August 4 makaraang mapatay ng militar ang NPA Commander ng Main Regional Guerilla Unit na nag-ooperate sa Southern Tagalog na si alias Termo.

Paliwanag naman ni Maj. Gen. Burgos na ang pagbibigay ng proteksyon sa mga sibilyan mula sa panggigipit ng NPA ay bahagi ng kanilang tungkulin.

Facebook Comments