Pinatitiyak ni Senator Sherwin Gatchalian sa Commission on Elections (COMELEC), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Philippine National Police (PNP) ang proteksyon ng mga gurong magsisilbi sa halalan.
Paalala ni Gatchalian, bahagi ng pagpapanatili ng kaayusan sa darating na halalan ang pagtiyak na ang bawat guro at poll watchers ay protektado mula sa anumang banta ng panganib.
Punto pa ng senador, ang ating mga guro ay mga frontliner sa halalan at kasabay ng kanilang pagtupad sa tungkulin ay ang pagharap sa peligro na maaaring idulot ng eleksyon.
Kaugnay na rin ito ng pangamba na tumaas pa ang bilang ng mga election hotspots habang papalapit ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Sa kasalukuyan ay nasa 361 ang natukoy ng COMELEC na election hotspots o nasa red category, 1,271 areas naman ang nasa ilalim ng orange category at 1,199 na lugar ang nasa ilalim ng yellow category.