Proteksyon ng mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea, pinapatiyak ni Sen. Hontiveros

Iginiit ni Senator Risa Hontiveros na tungkulin ng pamahalaan na proteksyunan ang sambayanang Pilipino mula sa lahat ng panganib, mapa-COVID-19 man o mapang-abusong dayuhan.

Kaya naman apela ni Hontiveros sa gobyerno, pairalin ang kontrol sa West Philippine Sea sa harap ng lalong tumitinding pambu-bully ng China lalo na sa ating mga mangingisda.

Pahayag ito ni Hontiveros kasunod ng nangyari sa mangingisdang si Larry Hugo na umano’y hinarang ng Chinese Coast Guard ship pagpasok sa fishing ground malapit sa Pag-asa Island na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.


Ayon kay Hontiveros, kailangang paigtingin ng mga kinauukulang ahensya tulad ng Department of National Defense (DND) at Philippine Coast Guard (PCG) ang pagbibigay proteksyon sa mga Pilipinong mangingisda.

“Huwag nating hayaang mawalan ng kabuhayan at maghirap ang ating mga mangingisda dahil sa lumalalang pambabraso ng China sa teritoryo natin. Dapat tayong mga Pilipino ang makinabang sa sariling likas yaman ng Pilipinas.

Kung hindi agad na kikilos ang pamahalaan, dadami pa ang gaya ni Mang Larry Hugo na mawawalan ng kabuhayan at maghihirap dahil sa pagpaparaya sa Tsina.

Wag naman nating balewalain ang dinaranas ng ating mga kababayan, lalo na silang mga nasa gitna ng laot ang ikinabubuhay,” pahayag ni Senator Risa Hontiveros.

Facebook Comments