Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Department of Justice (DOJ) at Philippine National Police (PNP) na gumawa ng mga hakbang para sa proteksyon ng mga piskal sa bansa.
Ayon kay Pangulong Marcos, mahalaga ang papel ng mga piskal sa pagsusulong ng katarungan sa bansa.
Lalo’t pumapasok na aniya ang bansa sa bagong yugto ng pagpapatupad ng batas at pag-uusig o prosekusyon.
Giit ng pangulo, na ang bawat kasong hinahawakan, bawat desisyong ginagawa at bawat repormang isinusulong ay may malaking epekto sa mga Pilipino at sa bansa.
Kahapon ay inilunsad ng DOJ ang bagong guidelines sa pagsasagawa ng preliminary investigation na magpapabilis ng proseso ng paglilitis ng mga kaso sa bansa.
Dagdag pa ng pangulo, titiyakin ng mga bagong guidelines ang katarungan at tamang proseso habang pinoprotektahan ng pamahalaan ang lahat ng mamamayan nito, kabilang ang mga nasasakdal at pananagutin ang mga nagkasala.