Nangangahulugang mataas pa ang proteksyon ng mga tao laban sa COVID-19 sakaling walang mangyaring surge sa susunod na dalawang linggo.
Ayon kay Infectious Disease Expert Dr. Rontgene Solante, kung wala mang surge o pagtaas ng kaso pagkatapos ng eleksyon ay magandang balita ito dahil ibig sabihin, mataas pa ang proteksyon ng publiko laban sa virus.
Kasabay nito ay nagbabala rin ang eksperto laban sa pagpasok ng BA.4 at ng BA.5 Omicron sub-variants, na siyang itinuturong dahilan ng COVID-19 surge sa South Africa, gayundin ang BA.2.12.1.
Gayunpaman, posibleng aniyang tumaas ang kaso ng COVID-19 sa bansa dalawang linggo matapos ang halalan dahil sa mga nangyaring super spreader events gaya ng mga campaign rally at ang mismong araw ng botohan kung saan hindi na nasunod ang minimum public health protocols.
Samantala, sinabi naman ni Solante na maaaring hindi na gawing mandatory ang pagsusuot ng face mask kung bababa sa 200 ang maitatalang kaso ng COVID-19 sa susunod na tatlong buwan.