
Siniguro ng Department of Trade and Industry (DTI) na poproteksyunan nila ang mga stakeholders at mamimili sa sektor ng konstruksyon.
Ito’y kasunod na rin ng umano’y anomalya sa mga opisyal ng kanilang attached agency na Philippine Contractors Accreditation Board o (PCAB).
Ayon sa Trade Department, titiyakin nila na hindi maapektuhan ang kanilang stakeholders kahit pa may ulat na mayroong conflict of interest, iregularidad sa accreditation at posibleng pag-abuso sa kapangyarihan sa loob ng board.
Nanindigan din ang ahensya na wala silang sisinuhin kung mapatunayang nagkasala ang mga naturang opisyal.
Una nang sinabi ni Trade Secretary Cristina Roque ang pagrerekomenda kay Pangulong Ferdinand Marctos Jr., ng nararapat na aksyon kabilang ang posibilidad ng pagtanggal sa posisyon sa mga ito mula sa board at panagutin dahil hindi naibigay ang transparency sa publiko.
Matatandaang, bumuo na ang DTI ng isang fact—finding team upang magsagawa ng masusing imbestigasyon sa attached agency nito na PCAB na sinisiyasat dahil sa umano’y may kinalaman sa maanomaliyang flood control projects.









