Manila, Philippines – Protektado ang karapatang pantao sa pinalakas na Human Security Act o Anti-Terrorism Law dahil mayroon itong kaukulang safe gurads laban sa pag-abuso ng mga otoridad at maaring idulog sa korte ang akusasyon kaugnay sa human rights violations.
Ito ang tiniyak ni Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senator Panfilo Ping Lacson kasabay ng paghahain niya sa plenaryo ng committee report sa panukalang nag-aamyenda sa Human Security Act.
Nakapaloob sa panukala na mula sa kasalukuyang tatlong araw ay maari ng ikulong hanggang 14 na araw ang suspek sa terorismo kahit walang warrant of arrest at wala pang kaso.
Pero nilinaw ni Lacson na kahit nakakulong ay kikilalanin ang mga karapatan nito at maari ding puntahan ng kanyang abogado.
Inaalis din ng panukala ang ipinag-uutos ngayon ng batas na pagbabayad ng 500-libong piso na danyos sa bawat araw ng pagkakakulong sa pinaghihinalaang terorista kapag napatunayang biktima lang ito ng maling impormasyon.
Inaatasan din ng panukala ang mga korte na magdesisyon sa loob ng 72-oras sa mga petisyon para ideklara ang isang tao o organisasasyon bilang bilang teroristang grupo.
Itinatatakda din ng panukala na bukod sa Court of Appeals ay maari ng humingi ng permiso sa Regional Trial Court para makapagsagawa ng wiretapping o surveillance sa terrorist suspect.