Pinaaprubahan na ni Senator Sherwin Gatchalian ang panukalang batas na magpapalakas ng proteksyon sa karapatan ng mga pasahero ng mga taxi at tourist car transport services at iba pang kaparehong serbisyo lalo na tuwing panahon ng holiday rush na napakatindi ang traffic.
Sa ilalim ng Senate Bill 819 o An Act Establishing the Rights of Passengers of Taxis, bibigyan ng ibayong proteksyon ang mga pasahero laban sa mga abusadong taxi drivers at iba pang mga sasakyang paupahan.
Tumataas aniya ang mga kaso ng mga pagmamalabis na singil sa mga pasahero tuwing holiday season dahil sa pagdami ng pasahero na gumagamit ng taxi at iba pang pampublikong transportasyon.
Tinukoy ni Gatchalian na wala pa tayong batas na nagtatakda ng mga karapatan ng mga pasahero na may layuning itaas ang antas ng serbisyong transportasyon.
Ang mga drivers at operators na lalabag sa panukala ay mahaharap sa P1,000 hanggang P5,000 multa at suspensyon ng driver’s license ng pitong araw hanggang isang taon.