Aarangkada na ngayong araw ang kilos protesta ng ibat-ibang militanteng grupo bilang bahagi ng paggunita sa deklarasyon ng martial law sa bansa sa Setyembre 21.
Alas nueve ngayong umaga, sisimulan ng alyansa ng mga magbubukid sa gitnang Luzon at bagong alyansang makabayan ang kanilang programa sa Plaza Miranda sa Angeles City, Pampanga.
Pagkatapos nito ay tutulak na ang kanilang caravan patungong Balagtas, Bulacan at saka sila magmamartsa papuntang Meycauayan bandang alas 11 ng umaga.
Pagkatapos nito, magpapalipas na sila ng gabi sa St. Francis of Assisi Church at kinabukasan na itutuloy ang protest caravan patungong National Capital Region (NCR).
Asahan na pagdating ng caravan sa Bonifacio Monument sa Caloocan City ala una ng madaling araw ay sasalubungin ito ng ibang grupo.
Bandang alas dos ng hapon ng Setyembre 20 ay didiretso sila sa Commission on Human Rights (CHR) para makipagdayalogo at magsasampa ng reklamo kaugnay sa mga pagpaslang sa may 160 magsasaka at pag-aresto sa maraming iba pa sa ilalim ng Duterte Administration.
May kasabay ding pagkilos mula sa Bicol region kung saan 20 bus ang kasama sa caravan mula Naga City papuntang NCR.
Sa Philippine Coconut Authority naman sila tutuloy bago magsagawa ng torch rally-protest program sa Commission on Human Rights (CHR).
Ang dalawang contingent ay sabay na tutungo sa Mendiola hanggang Luneta sa araw ng Setyembre 21 at makakasama na ang iba grupo na kritiko ng administrasyon tulad ng United People’s Action against Tyranny.
Tulad sa mga nagdaang administrasyon hihilingin ng peasant sectors sa Duterte administration na ipatupad ang tunay na reporma sa lupa, wakasan ang land grabbing at land-use conversion at militarization sa kanayunan.