PROTEST RALLY | Pagsisikip ng daloy ng trapiko sa QC, asahan

Nagpaalala ang Quezon City Police District (QCPD) sa mga motorista sa pagsisikip ng daloy ng trapiko sa mga lansangan.

Ito ay dahil sa mga protest rally ng ibat-ibang cause-oriented at militant groups para sa pag-alala ng ika-46 taong pagdeklara.ng martial law sa bansa.

Ngayon pa lang pinapayuhan na ni Quezon City Police District Director, Police Chief Superintendent Joselito Esquivel Jr., ang mga motorista na iwasan ang mga lugar na ito.


Kabilang dito ang bisinidad ng Commission on Human Rights (CHR), ilalim ng Tandang Sora fly-over, Central Avenue, Philcoa, Elliptical corner Visayas Avenue, Elliptical kanto ng Quezon Avenue.

Kasama din ang Quezon Avenue kanto ng Agham Road, Quezon Avenue kanto ng EDSA, Quezon Avenue kanto ng Delta Avenue, Fisher Mall, Quezon Avenue kanto ng Roosevelt, Quezon Avenue kanto ng Banawe Street, at Welcome Rotonda.

Ang mga lugar na ito ayon pa kay Esquivel ay inaaaahang gagawing converging points ng mga magmamartsang militanteng grupo na makiisa sa protest rallies sa Luneta, Mendiola at iba pang lugar sa Metro Manila.

Hinimok din ni Esquivel ang publiko na maging alerto at huwag mangingiming i-report ang anumang kahina-hinala at hindi inaasahang insidente para sa kaukulang aksyon ng pulisya.

Humihingi din ng mahabang pasensiya ang pulisya sa mga maaapektuhan ng traffic congestion dulot ng mga rally at demonstrasyon.

Facebook Comments