Manila, Philippines – Ipinagmalaki ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang pagpasa sa lahat ng priority legislative measures ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pinuri ni Arroyo ang kanyang mga kapwa mambabatas sa Mababang Kapulungan sa kanilang dedikasyon at sipag sa pagsusulong ng mga mahahalagang panukala na inilatag ng Pangulo.
Bago magsara ang sesyon para sa Christmas break, iginiit ni Arroyo ang pagpapatupad ng legislative agenda ni Duterte.
Binanggit ng speaker ang pagtalakay sa 1,361 bills kung saan nasa 492 na panukala ang naipasa kung saan 95 ang ganap nang batas.
Nasa 39 na panukala naman ang naghihintay ng pirma ng Pangulo habang niratipikahan na ang 27 measures ng bicameral conference reports.
Aabot naman sa 22 ang pumasa sa ikalawang pagbasa at nasa 38 resolusyon ang inaprubahan.
Kabilang sa mga priority bills ng Pangulo ay: Bangsamoro Basic Law (BBL), Security of Tenure Act; Utilization of the Coco Levy Act; National Land Use Act; Department of Disaster Resilience; Rice Tariffication; TRAIN 2 o TRABAHO Bill; mining taxes; alcohol taxes; tobacco taxes; reporma sa property valuation; reporma sa capitol income and financial taxes; tax amnesty program; universal health care at ang draft federal charter.