Provincial Board Member ng Quezon na nagkanlong sa dalawang lider ng NPA, pinakakasuhan ng DILG

Ipinag-utos na ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang pagsasampa ng kaso laban sa provincial board member ng Quezon dahil sa pagkanlong sa dalawang mataas na lider ng New People’s Army (NPA).

Mismong sa bahay ni 4th District Provincial Board Member Rhodora Tan sa Atimonan, Quezon naaresto ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga lider ng NPA noong December 26.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, dapat lang kasuhan ng kriminal at administratibo ang local official na dapat ay nangunguna sa pagtaguyod at pagprotekta sa interes at kapakanan ng publiko.


Sa bisa ng warrant of arrest naaresto ng pinagsanib na puwersa ng PNP at AFP sina Ruel Custodio alias “Baste” at Ruben Istokado alias “Oyo Miles,”sa bahay ng Board Member dahil sa kasong Kidnapping at Illegal Possession of Firearms.

Si Custodio ay Finance Officer ng Sub-Regional Military Area-4 ng NPA Southern Tagalog Regional Party Committee habang si Istokado ay Political Instructor ng L1, KP1 ng Bicol Regional Party Committee ng CPP-NPA.

Dagdag pa ni Año, patong-patong na kaso ang kakaharapin ni Tan na posibleng ikakatanggal niya sa puwesto at makulong.

Facebook Comments