Manila, Philippines – Kinampihan ni Senator Ramon Bong Revilla, Jr. ang sentimyento ng mga taga-probinsya laban sa ipinapatupad na provincial bus ban sa kahabaan ng EDSA.
Kumbinsido si Revilla na ang bagong polisiya ay pahirap sa mga probinsyano lalo na sa mga senior citizen na bibiyahe patungong Maynila bitbit ang malalaki at mabibigat na bagahe.
Idinagdag pa ni Revilla na maging ang pagkakatatag ng PITX ay hindi naman nakatulong sa pagpapaluwag ng trapiko at nakapagpalala ng sitwasyon ng mga bumabiyaheng Kabitenyo.
Para kay Revilla, tila pinag-iinitan ang mga provincial buses gayong mas kakaunti ito kumpara sa aktuwal na bilang ng private vehicle, TNVS, UV Express at iba pang sasakyan.
Giit ni Revilla, makabubuting pag-aralan pa ang problemang ito upang makahanap ng solusyon na para sa ikagiginhawa ng lahat at hindi para magdusa ang mga probinsyano.