Wala pang desisyon ang Metro Manila Council (MMC) sa posibleng pagpapahintulot sa mga provincial bus na magbalik-operasyon sa National Capital Region (NCR) sa ilalim ng ipinapanukala nitong “hybrid” General Community Quarantine (GCQ).
Ayon kay MMC Chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, pinag-aaralan pa ito ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Una nang inirekomenda ng MMC sa IATF na muling palawigin hangang sa katapusan ng Hulyo ang GCQ sa Metro Manila pero magpapatupad ng mas maluwag na guidelines para bigyang-daan ang pagbubukas ng ekonomiya nang hindi nasasakripisyo ang health protocols.
Inihalimbawa dito ni Olivarez ang pagpayag sa mga restaurants na mag-operate hanggang 50% seating capacity para sa mga dine-in customer.
Gayunman, ang mga religious gathering ay mananatili sa 10% ng total capacity ng kanilang venue.