Cauayan City, Isabela- Nakikipag-ugnayan na ang pamahalaang panlalawigan ng Cagayan sa tatlong (3) kumpanya para mag-supply ng bakuna laban sa COVID-19 sakaling maaprubahan na ng National Inter Agency Task Force (NIATF) ang tripartite agreement ukol dito.
Ayon kay Dr. Carlos Cortina, Provincial Health Officer ng Pamahalaang Panlalawigan, naglaan aniya ang provincial government ng 50 milyong pisong pondo para sa pambili nbg bakuna gaya ng Astrazeneca at Sinovac.
Ang 26-milyong piso ay nakalaan na sa 2021 Annual Budget na inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan habang ang 24-milyong piso ay nakasama sa panukalang Supplemental Budget para sa taong 2021 na kasalukuyang dinidinig sa Provincial Board.
Kung aprubado na ang tripartite agreement ay ilalatag na ang massive vaccination plan ng pamahalaang panlalawigan.
Una nang hindi pinayagan ng NIATF ang direktang pagbili ng mga lokal na pamahalaan ng bakuna kundi kailangan munang dumaan ito sa tripartite agreement at pag apruba ng nasabing task force.