Cauayan City, Isabela- Nakahanda umano ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela sakaling ipatupad ang Modified General Community Quarantine sa probinsya.
Ito ay sa kabila pa rin ng naitalang panibagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Bayan ng Echague na isang 30-anyos na OFW.
Ayon kay Provincial Information Officer Atty. Elizabeth Binag, hihintayin ang anunsyo ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases kung sakali man na mapabilang ang lalawigan sa MGCQ.
Aniya, mahigpit ang pagpapatupad ng health protocols lalo na ang pagsunod sa alituntunin ng mga ahensyang nagpapatupad nito.
Nakapaloob din ang pagsunod sa Provincial Ordinances para sa mga susunduing Locally Stranded Individuals (LSIs).
Samantala, isinasailalim sa triaging ang mga uuwing stranded na Isabeleño para makatiyak ang pamahalaan sa estado ng kanilang kondisyon sa kalusugan.
Hiniling naman nito sa publiko na sumunod sa alituntunin na ipinapatupad ng task force upang hindi na mangyari ang insidente sa Bayan ng Echague na nauwi sa hindi magandang sitwasyon at nagdulot ng pagkaalarma sa karamihan.