Provincial government officials ng Northern Samar, aapela sa IATF na ibaba sila sa Alert Level 3

Ikinagulat ng mga lokal na opisyal ng Northern Samar ang naging desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na isailalim sila sa Alert Level 4.

Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Northern Samar Provincial Health Officer Dr. Ninfa Caparroso-Kam na ang kanilang ADAR o Average Daily Attack Rate ay nasa 3.25 lamang na malayo sa critical level.

Habang ang kanilang 2-week growth rate ay naglalaro lamang sa 84 to 100cases kung saan para maihanay aniya sa Alert level 4 ay dapat nasa higit 200 ang 2-week growth rate.


Gayunman, aminado si Kam na nagkamaling naisama sa bed tracker count ang kanilang mga health workers kabilang na ang ilang frontliners na mayroong mild symptoms na naka admit sa isolation facilities.

Ang Northern Samar Provincial Hospital kasi ay isa sa may pinaka maraming bilang ng mga COVID-19 admitted cases mula Jan. 17, kung saan kabilang dito ang 81 healthcare workers na nasa isolation facilities at 63 mga residente.

Paliwanag pa ni Kam, hindi nila alam kung anong denominator ang ginamit ng IATF at sana aniya ay bineripika muna ito bago sila inilagay sa Alert Level 4.

Kasunod nito, aapela ang provincial government officials sa IATF na sila ay ire-classify lamang bilang Alert Level 3.

Facebook Comments