Inirekomenda ni Senator Christopher Bong Go sa Malakanyang na mabigyan ang mga Provincial Local Government Units ng kalahati ng isang buwang Internal Revenue Allotment o IRA nito.
Tugon ito ni Go sa hiling na tulong nina Camarines Sur Governor Miguel Luis Villafuerte, Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor, Cagayan Governor Manuel Mamba at iba pang Provincial LGUs executive.
Layunin ng hakbang ni Go na mapalakas pa ang pagtugon ng mga Lokal na Pamahalaan sa mga lalawigan sa COVID-19 health emergency.
Diin ni Go, makakatulong ang nabanggit na salapi para maihanda ng mga Provincial LGUs ang mga provincial hospital at iba pang local health facilities na mahalaga din ang papel sa pagtugon sa COVID-19 at maiwasang kumalat pa ang virus.
Samantala, bilang Chairman ng Senate Committee on Health and Demography ay kasama si Go na nagsagawa ng ocular inspection sa Ninoy Aquino Stadium sa Rizal Memorial Sports Complex na ginawang quarantine site para sa mga COVID patients.
Kasama din si Go sa bumisita sa dalawang barko ng 2GO company na ginawang floating quarantine facilities na bahagi pa rin ng mga hakbang para matulungan ang mga pasyente ng COVID-19 at mapigilan ang pagkalat nito.