*Cauayan City, Isabela- *Iminungkahi ng mga miyembro ng Provincial Road Safety Council ng Isabela na ipagbawal ang paglalakad na prusisyon ng libing sa mga Pambansang Lansangan dito sa Lalawigan ng Isabela.
Ayon kay Atty. Constante Foronda, ang Pinuno ng Public Safety Services ng Isabela Provincial Government na batay sa isinagawang pagpupulong ng mga kasapi ng Provincial Road Safety Council ng Isabela, kanila itong pag-aaralan upang ipanukala ang pagbabawal sa paglalakad sa prusisyon ng libing sa mga national highway.
Ito ay upang maiwasan umano ang mabigat na daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan.
Aniya, kung maaari ay wala ng maglalakad sa mga maglilibing at makikipag libing kundi motorcade na lamang at dumaan sa shoulderlane ng National Highway.
Kaugnay nito ay nakatakdang pag-usapan ng mga miyembro ng Isabela Road Safety Council ang pagbabawal sa mga naglalakad na maglilibing at makikilibing sa mga Pambansang lansangan ng Isabela.