Manila, Philippines – Inamin ni Senador Cynthia Villar na kabilang siya at si Senador Migs Zubiri sa mga pumalag sa naipit na pondo ng mga proyekto ng DPWH.
Ayon kay Villar, kinausap na niya si Lacson dahil maiipit ang kanyang proyekto para sa kalsada, tulay at flood control sa Las Piñas.
Pinatapyasan ni Lacson ng 50.7 billion pesos ang pondo ng DPWh para sa right of way ng mga proyekto para sa susunod na taon.
Ayon kay Lacson, ang halagang ito ay nakatakda para sa mga right of way na hindi pa naman nareresolba ng DPWH.
Mahirap anyang ilaan agad ang pondong ito dahil karaniwang ang right of way ang dahilan kung bakit may malaking unused funds sa ilalim ng pambansang pondo taon-taon.
Maaari pang madagdagan ang makakaltas sa right of way allocations dahil may natukoy pang 164 million na right of way na ang claimants ay John Doe o unknown.
Tanong ni Lacson, paano naman babayaran o iisyuhan ng tseke ng gobyerno ang claimants na ni hindi kilala ng DPWH.
Sinabi ni Lacson na maraming proyekto ng mga senador at kongresista ang tinamaan dahil sa kanyang ginawa at umaangal ang mga ito sa kanya.