Pag-aaralan ng National Irrigation Administration (NIA) kung anong mga nakalinyang proyekto ang ipa-prayoridad.
Ito ay makaraang bawasan nang malaking halaga ng Department of Budget and Management (DBM) ang kanilang panukalang 2024 budget.
Sinabi ni NIA Administrator Engr. Eduardo Guillen na mula sa orihinal nilang panukalang budget na 132 bilyong piso para sa susunod na taon, ginawa lamang itong 41 bilyong piso ng DBM.
Katwiran aniya ng DBM na napakalaki naman ng taas sa gustong budget ng kagawaran mula sa kasalukuyan na nasa 40 bilyong piso lamang.
Ngunit dipensa ni Guillen, sumusunod lamang sila sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na gawing prayoridad ang food security at mas mataas na produksyon sa mga taniman kaya kasama aniya sa mga proyektong paglalaanan sana ng budget na ito ay ang pagtatayo ng mas marami pang multipurpose high dams.
Ayon pa kay Guillen, hindi lamang ito magsisilbing patubig sa mga bukirin, sa halip magagamit na rin sa pagkontrol ng baha, imbakan ng tubig o mala-reservoir ang dati ng magagamit sa panahong kulang sa suplay ang bansa at maari ring magamit sa pag-generate ng kuryente.
Sa ngayon ayon sa opisyal, pagkakasyahin na lamang nila ang budget sa mga proyektong matutukoy nilang pinaka-mahalaga.