PRRD at Chinese President Xi Jinping, nagkausap sa telepono sa bisperas ng Araw ng Kalayaan

Nagkausap sa telepono si Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping sa bisperas ng Araw ng Kalayaan.

Ayon sa Chinese Embassy sa Manila, sinabi ni President Xi na ang dalawang bansa ay magkatuwang na nilalabanan ang COVID-19 at ipinapakita nito ang “brotherly friendship of mutual help.”

Sinabi pa ng Chinese leader na sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Duterte ay mayroong matibay at matatag na prevention at control measures na nagbunga ng positibong resulta.


Tiniyak ni President Xi na patuloy silang magbibigay ng suporta sa Pilipinas sa paglaban sa pandemya.

Sinabi naman ni Pangulong Duterte kay President Xi na sa ilalim ng pamamahala niya sa China ay hindi lamang matagumpay na nakontrol ang mismong pandemya kundi ang pag-abot nito ng tulong sa ilang bansa tulad ng Pilipinas.

Aniya, mananatiling kaibigan ng Pilipinas ang China at hindi niya hahayaan ang sinuman na gamitin ang bansa para magsagawa ng anti-China activities.

Patuloy ring pagtitibayin ng Pilipinas ang kooperasyon nito sa China at sa World Health Organization (WHO).

Kaugnay nito, inanunsyo ni President Xi na ang kanilang bakuna ay gagamitin bilang global public product matapos makumpleto ang research and development.

Facebook Comments