Nakipagpulong nitong Lunes ng gabi si Pangulong Rodrigo Duterte kay Gretchen Custodio Diez, ang transgender na nakaranas ng diskriminasyon matapos umanong gumamit ng pambabaeng banyo sa isang mall noong nakaraang linggo.
Ayon kay Senador Bong Go, ipinangako ni Duterte na tutukan niya ang pagpasa ng panukalang Sexual Orientation and Gender Identity Expression (SOGIE) para sa protesksyon ng karapatang-pantao sa miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender and Queer (LGBTQ) community.
Tinalakay sa naturang pagtitipon ang posibilidad na magkaroon ng komisyon o ahensiya na siyang may hurisdikasyon habang hinihintay ang pagpapatupad ng SOGIE Bill.
Dagdag pa ng mambabatas, iminungkahi na magdaos ng isang national LGBTQ Convention kung saan maihahayag ng naturang komunidad ang suhestisyon sa pagbuo ng polisiyang saklaw ng kanilang proteksyon.
Kasama sa mga dumalo sa pagpupulong sina Bataan 1st District Representative Geraldine Roman, at advocate na si Boobsie Savares.
(BASAHIN: Transgender woman, inaresto matapos pagbawalan gumamit ng pambabaeng palikuran)
Matatandaang naging viral sa social media si Diez matapos sampalin ng isang janitress at ipaaresto ng security ng Farmers Plaza sa Cubao, Quezon City.