Manila, Philippines – Nakahanda ang gobyerno na bumuo ng bagong kasunduang pangkapayapaan sa Moro National Liberation Front (MNLF).
Ito ang anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna na rin ng mga planong ituloy ang pag-uusap kay MNLF Chairperson Nur Misuari.
Sa ginanap na General Assembly of the League of Municipalities of the Philippines (LMP) sa Manila Hotel kagabi, sinabi ng Pangulo na handa si Misuari na makipag-usap.
Binanggit din ng Pangulo na inatasan na niya si Presidential Peace Adviser Carlito Galvez, Defense Secretary Delfin Lorenzana at Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na bumuo ng agreement sa MNLF.
Ang peace talks ng gobyerno at MNLF ay inaasahang isasagawa kapag nakauwi na sa Pilipinas si Misuari mula sa kanyang pagbisita sa United Arab Emirates (UAE) at Morocco.
Una nang sinabi ng Pangulo na bibigyan niya ng safe passage si Misuari dahil sa paniniwalang babalik pa rin ito sa bansa.
Nabatid na pinayagan ng Sandiganbayan Third Division si Misuari na makapag-abroad para dumalo sa 48th Session of the Organization of Islamic Cooperation Council (OIC) of Foreign Ministers at sa 14th Session of the Parliamentary Union of Islamic Cooperation (PUIC) Member States sa Marso.
Si Misuari ay nahaharap sa kasong graft at malversation dahil sa procurement ng “ghost textbooks” mula 2000 at 2001 noong siya ay ARMM governor.