Bulakan, Bulacan – Inihayag ngayon ng Pangulong Rodrigo Duterte na handa daw siyang magpa-pako sa krus sa Mahal na Araw kung mapapatunayan daw ng mga pari na sinungaling at pawang mali ang nakasulat sa isang libro tungkol sa simbahang Katoliko.
Ang nasabing libro na tinutukoy ng Pangulo ay ang “Altar of Secrets: Sex, Politics, and Money in the Philippine Catholic Church” na isinulat ng namayapang journalist na si Aries Rufo.
Ayon sa Pangulong Duterte, willing daw siyang magpa-pako sa krus kung masagot daw ng mga obispo at pari na hindi tama ang mga nakasaad sa libro kung saan ilan sa mga ito ay ang sexual misconduct at mismanagement of finances.
Muli din hinamon ng Pangulo ang mga pari na ipaliwanag ang nasa libro at sabihin ang totoo lalo na at napupuno na siya sa banat ng mga ito sa kaniyang administrasyon.
Iginiit din ni Dutetre na hindi niya sinisiraan ang simbahang Katoliko pero huwag naman daw sanang gamitin ng mga pari ang kanilang sermon sa bawat misa para siya ay siraan sa publiko.