Manila, Philippines – Binigyang diin ng Palasyo na hindi hahayaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang anomang intrusion o panghihimasok sa soberanya ng Pilipinas.
Ang pahayag na ito ni Presidential spokesperson Salvador Panelo ay kasunod ng sinabi ni Supreme Court (SC) Senior Associate Justice Antonio Carpio na naniniwala siyang susubukang i-reclaim o tayuan ng imprastruktura ng China ang Scarborough Shoal bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte.
Sinabi rin ni Carpio na magiging bukas ang China sa pagbalangkas ng Code of Conduct sa South China Sea sa oras na makapag-reclaim na ang China sa Scarborough.
Ayon kay Panelo, mahilig mag-engage si Carpio sa mga ispekulasyon. Paano naman raw niya nalamang kung ano ang iniisip ng pamahalaan ng China.
Gayunapaman, nilinaw ni Panelo na anomang aktibidad na labag sa naipanalong arbitral ruling ng Pilipinas ay ituturing na objectionable ng pamahalaan at kikilos ang gobyerno kaugnay dito tulad ng pagsusumite ng diplomatic protest.