Manila, Philippines – Hindi pa masabi ngayon ng Palasyo ng Malacañang kung makadadalo ba si Pangulong Rodrigo Duterte sa gaganaping Belt and Road Forum initiative sa China sa buwan ng Abril.
Ito ay matapos imbitahan ni Chinese Ambassador to the Philippines Xiao Jianhua si Pangulong Duterte na dumalo sa naturang aktibidad na una na rin naman pinuntahan ng Pangulo.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, hindi pa niya nakakausap si Pangulong Duterte ukol sa nasabing usapin.
Pero naniniwala naman si Panelo na hindi naman imposible na dumalo si Pangulong Duterte sa nasabing okasyon lalo pa at itinuturing ni Pangulong Duterte na isang malapit na kaibigan ang China.
Sinabi din nito na posibleng malaman ang magiging tugon dito ni Pangulong Duterte sa susunod na gaganaping Cabinet meeting sa Malacañang.
Gaganapin naman ang Belt and Road Initiative Forum sa China sa darating na Abril.