Manila, Philippines – Tiwala sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Senator Panfilo Ping Lacson na hindi maipapa-impeach si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagpayag nito na mangisda ang mga Chinese sa karagatan na sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ayon kay Recto, sa magiging komposisyon ng mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso sa 18th Congress ay malabong mapatalsik ang Pangulo.
Paliwanag ni Recto, sigurado na mababasura ang impeachment complaint laban sa Pangulo dahil malaking mayorya ng mga kongresista at senador ay kaalyado nito.
Diin naman ni Senator Lacson, walang kongkreto at opisyal na aksyon o hakbang na ginawa si Pangulong Duterte.
Katwiran ni Lacson, hindi papasa sa sufficiency in form and substance kung hanggang salita lang ang ginagawa ni Pangulong Duterte lalo na at nagkaroon pa ito ng mga paglilinaw.
Tinukoy ni Lacson ang paglilinaw ni Pangulong Duterte na hindi siya nagbigay ng permiso sa mga dayuhan na mangisda sa EEZ ng Pilipinas.
Sabi ng Pangulo, inilahad lang niya na walang magagawa ang Pilipinas dahil wala tayong kapasidad na itaboy ang foreign fishing vessel sa ating EEZ at hindi rin naman maipapatupad ang arbitral ruling na pumapanig sa ating karapatan sa West Philippine Sea (WPS).