Zamboanga City – Binigyang diin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kahalagahan ng emergency powers para sa agarang solusyon sa ilang problema ng bansa.
Kabilang na rito ang problema ng trapiko lalo na sa Metro Manila.
Sa kanyang talumpati sa campaign rally ng PDP-Laban sa Zamboanga City kagabi, humingi ng tulong ang Pangulo sa publiko dahil marami pa sana siyang gustong gawin para sa ikabubuti ng bansa pero pinoproblema niya ang pondo para rito.
Aniya, ang emergency powers ay kailangan upang makapaggastos ang gobyerno para sa pagpapatupad ng iba’t-ibang proyektong pang-transportasyon.
Naniniwala ang Pangulo na hindi masosolusyonan ang matinding trapik sa EDSA kung walang maipatutupad na pangmatagalang solusyon para rito.
Handa naman ang Department of Transportation (DOTr) na suyuin ang Kongreso na ipasa ang panukalang batas na layong bigyan ang Pangulo ng emergency powers.
Sa ngayon, nakabinbin sa Kongreso ang Traffic Crisis Act kung saan ang transportation secretary ay magiging traffic chief na may kapangyarihang pangasiwaan ang land transportation agencies, gaya ng MMDA, ang ipinapanukalang Metropolitan Cebu Traffic Coordinating Council at ang panukalang Davao administrator.