Binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sinibak na si Police Colonel Eduardo Acierto.
Matatandaang sinabi ni Acierto na sangkot sa illegal drug trade si dating Presidential Adviser Michael Yang.
Sa kanyang talumpati sa Koronadal City, iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na dawit si Acierto sa ilang krimen lalo na ang pagpatay sa South Korean businessman na si Jee Ick Joo.
Dagdag pa ng Pangulo na inosente si Yang, na may-ari ng Davao City Los Amigos Stores sa Mindanao.
Sinagot din ng Pangulo ang sinabi ni Acierto na binalewala nila ni dating PNP Chief Ronald Dela Rosa ang sinasabing intelligence information tungkol sa pagkakasangkot ni Yang at ng Chinese national na si Allan Lim sa narcotics business.
Hinikayat ng Pangulo ang publiko na huwag maniwala sa mga sinasabi ng dating police official na sangkot din sa maanomalyang pag-iisyu ng AK-47 rifles para sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA).
Ipinakita rin ng Duterte na hawak niya ang isang listahan ng mga pulis na sangkot aniya sa katiwalian o iyong mga ninja-cops na nangingikil sa mga negosyanteng Chinese.
Bukod kay Acierto, kasama rin sa listahan ang dating mataas rin na opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na si Ismael Fajardo na umano’y nagre-recycle at nagtatanim aniya ng droga.
Inakusahan rin ni Pangulo sina Acierto na inipit umano si Lieutenant Colonel Ferdinand Marcelino na naaresto noon dahil sa sinasabing pagkasangkot rin sa droga.
Mula pa noong Oktubre ay nagtatago na si Acierto dahil sa mga banta sa kanyang buhay.
Una nang tiniyak ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na handa nilang kasuhan si Yang kung totoo ang mga ibinulgar ni Acierto.
Pero sinabi naman ni PNP Chief, Police General Oscar Albayalde na si Yang ay hindi kasama sa anumang drug watchlist o person of interest sa anumang imbestigasyon na may kaugnayan sa droga.
Si Acierto ay officer-in-charge ng binuwag na PNP Anti-Illegal Drugs Group (AIDG).