Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi isyu ang paglalabas ng Executive Order kaugnay sa kaniyang utos na nagbabawal sa importasyon at paggamit ng vape sa pampublikong lugar.
Sa kaniyang talumpati sa inagurasyon ng Siguil Hydropower Economic Zone sa Maasim, Sarangani Province – sinabi ng Pangulo na may umiiral naman nang batas na nagbabawal sa pagpapakalat sa publiko ng nicotine.
Aniya, ang sinumang gumagamit ng vape sa pampublikong lugar ay malinaw na mayroong nilalabag na batas.
Maliban dito, tinukoy rin ng Pangulo na hindi pasado sa Food and Drug Administration (FDA) ang vape dahil hindi ito mabuti sa kalusugan.
Tiniyak naman ni PNP OIC, Lt/Gen. Archie Gamboa – ang Executive Order no. 26 o nationwide smoking ban ang gagamitin nilang basehan para sundin ang utos ng Pangulo.
Dahil dito, muling nagbabala ang Pangulo na kaniyang ipapaaresto ang mga gumagamit ng vape sa pampublikong lugar dahil nagbubuga sila ng nicotine.