Binigyan ng sampung araw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Budget and Management (DBM) upang maiproseso ang lahat ng pondong kakailanganin ng Department of Health (DOH) upang ma-compensate ang lahat ng pangangailangan ng mga medical health care worker kasunod ng patuloy na laban ng bansa kontra COVID-19.
Sa pre-recorded ‘Talk to the People’ ni Pangulong Duterte, inatasan nito si Health Secretary Francisco Duque III na ibigay ang mga demand ng mga healthworker na tinaguriang modern day superheroes.
Ayon sa Pangulo, ang pondo para dito ay dapat munang aprubahan ng DBM.
Pinayuhan pa nito ang DBM na humiram ng mga tao sa Commission on Audit (COA) upang mapabilis ang proseso sa paglalabas ng funds.
Sinabi pa ni PRRD na isama sa benepisyo maging ang mga volunteers.
Ang pahayag ng pangulo ay makaraang maglabas ng sentimyento ang grupo ng mga medical professionals lalo na ang mula sa pribadong ospital dahil hindi pa naire-release ang kanilang Special Risk Allowance (SRA) at iba pang benepisyo.