PRRD, inatasan si DENR Sec. Roy Cimatu na magtungo sa Cebu City para tugunan ang tumataas na kaso ng COVID-19

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu na magtungo sa Cebu para tugunan ang tumataas na kaso ng COVID-19 sa siyudad.

Sa kanyang public address, sinabi ni Pangulong Duterte na gagawa ng rekomendasyon si Cimatu sa kung ano ang mga dapat gawin para mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Ang bagong papel na gagampanan ni Cimatu ay maituturing na ‘adjunct’ o ‘supplement’ sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF).


Magsisimula ang trabaho ni Cimatu sa lalong madaling panahon at maglalabas ng executive order kaugnay sa kanyang bagong assignment.

Nanawagan din si Pangulong Duterte sa mga miyembro ng IATF na suportahan si Cimatu.

Bilang tugon, handang harapin ni Cimatu ang bagong hamong iniatas sa kanya ni Pangulong Duterte.

Sinabi ni Cimatu na gagawin niya ang kanyang makakaya na magampanan ang kanyang bagong trabaho.

Una nang sinabi ng Malacañang na sinisilip ng IATF na magtalaga ng isang deputy implementer ng COVID-19 government policies sa buong Visayas.

Facebook Comments