Kasunod nang naiuulat pa ring vaccine hesitancy o ayaw magpabakuna ng ilan nating mga kababayan, iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paghanap sa mga ito.
Sa taped ‘Talk to the People’ ng pangulo, sinabi nitong hanapin sa bawat barangay ang mga ayaw pa ring magpabakuna.
Biro pa nito, kapag tulog na ay akyatin o pasukin ang mga ayaw magpabakuna sa kanilang tahanan upang doon ay tusukin o bakunahan at siya pa raw ang mauuna sa pagsasagawa nito.
Panghuli, sinabi ng pangulo na sa bawat ulat nila sa bayan ng kaniyang mga gabinete ay tatlong bagay lamang talaga ang pinakabuod o kanilang mithiin.
Ito ay ang pagbabakuna, patuloy na pagsusuot ng face mask at pagtalima sa social distancing.
Aniya, nanatili itong epektibong panlaban sa COVID-19 nang sa ganon ay unti-unti na tayong makabalik sa normal nating pamumuhay.