Ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte na ihinto ang lahat ng gaming operations na may prangkisa, lisensya o permit mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ang kautusan ng Pangulo ay epektibo simula ngayong araw, July 27.
Sa kanyang video message, ipinatitigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng gaming schemes ng PCSO dahil sa malawakang korapsyon.
Ginawa niya ito dahil ayaw niyang manaig ang katiwalian sa bansa.
Giit pa Pangulo – hindi niya kikilalanin ang anumang kautusan mula sa korte na haharang sa kanyang direktiba.
Ipinag-utos din ng Pangulo ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na arestuhin ang sinumang nagsasagawa ng gambling activities na may kaugnayan sa PCSO.
Nais ng Pangulo na itigil ang lahat ng gambling activities pero sasangguni siya sa Kongreso hinggil dito.
Nitong Marso, sinibak ni Pangulong Duterte si dating PCSO General Manager Alexander Balutan dahil sa pagkakadawit sa katiwalian.
Ang PCSO ang pangunahing ahensya sa nagbibigay ng pondo para sa health programs, medical assistance at charities.