PRRD, ipinag-utos sa mga opisyal ng gobyerno na iwasang bumiyahe papuntang Canada

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng department secretaries at heads of government agencies na limitahan ang pagbibigay ng travel authorities para sa official trips sa Canada.

Ito ay may kaugnayan sa kabiguan ng Canada na kunin ang tone-toneladang basura na itinapon sa bansa noong 2013 at 2014.

Sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, base sa memorandum na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea noong May 20, 2019 pinagbabawalan din ng Pangulo ang mga nasa government owned, controlled corporations at government institutions na magbigay ng travel authorities sa Canada.


Pinalilimtahan na rin ng Pangulo sa mga government agencies ang pagkakaroon ng official interaction sa mga kinatawan ng Canadian government.

Ayon kay Panelo, ang memorandum ay alinsunod na rin sa mariin na paninindigan ni Pangulong Duterte na hindi nababahala ang Pilipinas na putulin ang diplomatic ties ng Pilipinas sa Canada kung hindi kukunin ang basura.

Nagsimula na aniya sa pamamagitan ng pag-recall ng Pilipinas sa ambassador at consul general nang mabigo ang Canada na makamit ang itinakdang May 15 deadline para kunin ang basura.

Una rito, ipinag-utos na ng Pangulo ang paghahanap ng private shipping company na magdadala ng basura sa Canada.

Facebook Comments