Humihingi ng payo si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga health experts kabilang na ang mga dating kalihim ng Department of Health (DOH) hinggil sa napipintong pagtatapos ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Abril a-30.
Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, ibabase ni Pangulong Duterte ang kanyang magiging desisyon sa siyensya at datos kung nababawasan ba ang mga tinatamaan ng COVID-19 sa bansa.
Maliban ditto, nagpapatuloy din, aniya, ang pulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at mayroon din, aniyang, ipapasang rekomendasyon hinggil dito ang task force sa Pangulo.
Dalawang opsyon, ayon kay Roque, ang tinitignan ng Pangulo ito ay ang muling pagpapalawig ng ECQ hangga’t wala pang lunas ang COVID-19 o yung Modified ECQ kung saan ibabase sa geographical location ang pagpapatupad ng ECQ.
Mamayang gabi, posibleng magbigay muli ng public address si Pangulong Rodrigo Duterte at maaari rin ngayong Linggo malaman kung ano ang ‘new norm’ pagkatapos ng April 30.