Tutungo ng Thailand ngayong araw si Pangulong Rodrigo Duterte para dumalo sa 34th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.
Ang Thailand ang host country ng ASEAN para sa taong ito.
Ayon sa Malacañan, ang Pangulo kasama ang kanyang delegasyon at aalis mamayang hapon mula sa kanyang home province sa Davao.
Inaasahang dadaluhan ng Pangulo ang ASEAN Leaders’ Interface kasama ang mga kinatawan ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) bukas, na susundan ng pulong kasama ang mga pinuno ng mga nangungunang negosyo sa Thailand.
Kasama sa ASEAN Leaders’ Interface ang ASEAN Business Advisory Council at mga kinatawan ng ASEAN Youth.
Bukod dito, dadalo rin ang Pangulo sa 34th ASEAN Plenary na susundan ng isang gala dinner.
Hectic din ang schedule ni Pangulong Duterte sa Linggo na dadalo sa ASEAN Leaders’ Retreat at 13th Brunei-Indonesia-Malaysia-Philippines East ASEAN Growth Area o BIMP EAGA Summit.
Posible ring magkaroon ng bilateral meeting si Duterte kay Thailand Prime Minister Prayut Chan O-Cha.
Una nang sinabi ni Foreign Affairs Assistant Secretary Junever Mahilum-West na posibleng talakayin sa ASEAN ang insidente ng banggaan ng Chinese vessel at Filipino fishing boat sa Recto Bank.
Ang Pilipinas ay coordinator ng ASEAN-China dialogue partnership mula 2018 hanggang 2021.