Nakatakdang dumalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa 34th ASEAN Summit na gaganapin sa Bangkok Thailand sa June 22 at 23.
Sa Press Briefing sa Malacañang ni Foreign Affairs Assistant Secretary Junever Mahilum-West ay sinabi na 10 ASEAN leaders ang dadalo sa pagpupulong na pangungunahan ni Thailand Prime Minister Prayuth Chan-Ocha.
Makakasama aniya ni Pangulong Duterte sina Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin, Trade Secretary Ramon Lopez, Social Welfare Secretary Rolando Bautista, Finance Secretary Carlos Dominguez, Tourism Secretary Bernadette Puyat at Agriculture Secretary Manny Piñol.
Ang tema aniya ng ASEAN Summit ngayong taon ay Advancing Partnership for Sustainability na nagsusulong ng pagkakaroon ng ASEAN community na mas epektibo sa pagtugon sa nagbabagong global at regional architecture.
Kabilang naman aniya sa mga pag-uusapan ay ang pagsusulong ng mas magandang ASEAN community kung saan sa retreat naman ay malaya ang mga ASEAN leaders na pag-usapan ang mga malalaking regional at international issues.