Aabot sa $12.17 billion na halaga ng investments ang na-secure ng Pilipinas sa pagdalo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ikalawang Belt and Road Forum sa China.
Sa tulong nito, inaasahang makakapaglikha ito ng higit 21,000 trabaho
Nasaksihan ng Pangulo ang paglalagda sa 19 business agreements ng Philippine at Chinese firms.
Ayon kay Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez – kabilang dito ang isang contract agreement, tatlong cooperation agreements, dalawang purchase framework agreements at 13 memoranda of agreement o understanding.
Mayorya ng mga proyekto ay sa sektor ng enerhiya, imprastraktura, pagkain, telekomunikasyon, agrikultura, turismo at industrial park development.
Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang Belt and Road Forum ay dapat na magbigay daan sa mas matatag na relasyon ng bawat bansang kasapi rito.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Chinese President Xi Jinping na patuloy na makikipag-tulungan ang China sa mga karatig bansa at hindi sasantuhin ang anumang uri ng korapsyon.
Sa isyu naman ng West Philippine Sea (WPS) kinumpirma ni Philippine Ambassador to China Jose Santiago Sta. Romana na iginiit ni Pangulong Duterte ang karapatan ng Pilipinas sa isla at asahan na ang paghupa ng tensyon lalo na sa Pag-asa Island.