PRRD, magdedesisyon na ngayon kung palalawigin muli ang ECQ sa Metro Manila o kung sasailalim na sa GCQ ang ilang syudad sa NCR

Posibleng hawak na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekumendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID)  hinggil sa kung ano ang kahihinatnan ng Metro Manila at iba pang lugar na mataas pa rin ang kaso ng COVID-19.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, nagpulong kanina ang task force at nagbigay ng rekumendasyon sa Pangulo.

Sinabi pa ni Roque, pagkatapos pag-aralan ni Pangulong Duterte ang samut-saring rekumendasyon ay haharap ito sa publiko posible mamayang gabi at kaniyang sasabihin ang pinal na desisyon kung muling palalawigin ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR at ilang lugar na itinuturing na high risk o magkakaroon na ng General Community Quarantine (GCQ) sa ilang syudad sa kamaynilaan.


Maliban sa Metro Manila sakop din ng ECQ hanggang May 15, 2020, ang Central Luzon maliban sa Aurora, CALABARZON, Pangasinan, Benguet, Albay, Bacolod City, Iloilo province, Iloilo City, Cebu City, Cebu province, Zamboanga City at Davao City.

Una nang sinabi ng Palasyo na ibabase nila ang kanilang magiging desisyon sa siyensya at ang kakayahan o kapasidad ng mga ospital na tumugon sa Critical Health Care.

Facebook Comments