PRRD, magiging mas maaga ang uwi mula sa kanyang biyahe sa Israel at Jordan

Napaaga ng isang araw ang pag-uwi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Pilipinas mula sa kanyang official visit sa Hashemite Kindom of Jordan.

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, kaya namang i-compress o pagdikit-dikitin ang schedule ng Pangulo bukas kaya minarapat ng Pangulo na umuwi ng mas maaga.

Sa Sabado pa sana ang uwi ng Pangulo pero wala na siyang official schedule noon, ang huling official schedule ng Pangulo ay gagawin bukas pasado 1:00 ng hapon dito sa Jordan kung saan haharapin nito ang Filipino community.


Ayon kay Roque, posibleng 4:30 ng hapon inaasahang lilipad ang Pangulo papuntang Pilipinas at inaasahang lalapag ito sa Davao City.

Mas maaga man ang pag-uwi ng Pangulo ay may bitbit naman itong mahigit 130 milyong dolyar investment mula sa Israel at sa Jordan.

Matatandaan na aabot sa 83 million US dollars na investments ang nakuha ng Pilipinas sa Israel bukod pa sa 790 na job opportunities na bubuksan.

Sa Jordan naman ay aabot sa 64.6 million US dollars na investment ang iuuwi ng pangulo sa Pilipinas at kaakibat nito ang 534 na job opportunities para sa mga Pilipino.

Facebook Comments