Ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na may gagawin siyang hakbang na inilalarawan niyang “drastic” o marahas.
Sa kanyang talumpati sa 28th Anniversary ng Bureau of Fire Protection (BFP), sinabi ng Pangulo na may kinalaman ito sa mga sunud-sunod na patayan sa Negros Oriental.
Kokonsultahin ng Pangulo ang mga retiradong military officials sa kanyang gabinete na may karanasan sa paglaban sa komunismo – partikular sina DILG Secretary Eduardo Año, Environment Secretary Roy Cimatu at National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr.
Muli ring iginiit ng Pangulo na hindi na siya magpapalawig ng kanyang termino na magtatapos sa June 30, 2022.
Matatandaang aabot sa halos 20 katao ang naiulat na namatay na kinabibilangan ng abogado, public school officials, rebel returnee at police intelligence officers na pinaslang ng mga rebeldeng NPA.
Una nang sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na posibleng ilagay ng Pangulo ang Negros Oriental sa ilalim ng martial law sakaling irekomenda ito ng military at Local Government Units (LGUs).