Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang muling pag-aresto sa suspect sa brutal na pagpatay sa 16-anyos na si Christine Silawan sa Lapu-Lapu, Cebu.
Itinuturong suspek sa kaso ang 17-anyos na dating kasintahan ni Silawan na naaresto noong March 16.
Bago ito, ipinag-utos ng prosecutor ang pansamantalang kalayaan ng suspek matapos mabigo ang National Bureau of Investigation (NBI) na i-justify ang warrantless arrest.
Sa kanyang talumpati sa campaign rally ng PDP-Laban sa Koronadal City – inatasan niya ang prosecutor na baliktarin o bawiin ang desisyon.
Sa ilalim ng rules of court, maaari lamang isagawa ng mga awtoridad o pribadong indibidwal ang warrantless arrest kung nakita ng pagtatangka o aktwal na paggawa ng anumang offense.
Ang warrantless arrest ay ipinatutupad din sakaling nakatakas sa kulungan ang isang preso.
Hihilingin muli ng NBI-Central Visayas sa Lapu-Lapu City Prosecutor’s Office na muling ikonsidera ang kanilang ruling.