Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na sisibakin at kakasuhan ang mga opisyal ng Department of Agrarian Reform (DAR) na inaantala ang pagpoproseso ng land conversion applications bunsod ng korapsyon.
Ito ang pahayag ng Pangulo matapos madismaya sa mabagal na kilos ng DAR hinggil sa pag-convert ng farm lands sa non-agricultural purposes.
Ayon sa Pangulo – kapag nakalusot pa ang mga DAR official sa mga kakaharapin nitong kaso sa korte ay pagpapatayin na lamang niya ang mga ito.
Hindi katanggap-tanggap para sa Pangulo na inabot ang DAR ng dalawang taon para i-proseso ang conversion ng isang agricultural land sa commercial use.
Aniya, posibleng may korapsyon na nangyayari dahil inaabot lamang dapat ng buwan ang pagpoproseso ng land use conversion.
Iginiit din ng Pangulo na mayroon siyang ‘zero tolerance’ sa mga korakot at hindi maaasahang public servants.
Muli ring ipinangako ng Pangulo na isusulong ang agrarian reform program sa bansa at maipamahagi ito sa mga karapat-dapat na benepisyaryo bago matapos ang kanyang termino.
Nais ding malaman ng Pangulo mula kay DAR Secretary John Castriciones kung ilang lupa ang maari pang maipamahagi sa mga magsasaka.