Tinutulan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasalegal ng paggamit ng marijuana para sa medical purposes.
Sa campaign rally ng PDP-Laban sa Victorias City, Negros Occidental iginiit ng Pangulo na kapag naging legal ito ay maaring mauwi sa paglaganap ng plantasyon ng marijuana sa bansa.
Sinabi ng Pangulo na siya ay ignorante hinggil sa mga pananaliksik na maaring gamitin sa panggamit ang marijuana.
Bago ito, inamin ng Pangulo na ginagamit na sa modern medicine ang marijuana.
Matatandaang inaprubahan na sa Kamara ang bersyon nito ng Medical Marijuana Bill habang bubuo pa ang Senado ng sarili nitong bersyon.
Base sa bersyon ng Kamara, papayagan ang paggamit ng marijuana sa paggamot ng chronic o debilitating medical conditions at magtatag ng Medical Cannabis Compassionate Centers (MCCC).
Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na kailangan pa ng mga karagdagang pananaliksik bago gawing legal ang paggamit ng marijuana.