PRRD, nagbantang sisibakin si VP Leni kapag ibinahagi niya ang mga sensitibong impormasyong tungkol sa war on drugs

Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na sisibakin niya si Vice President Leni Robredo Bilang Co-Chairperson ng Inter-Agency Committee On Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Ito’y kapag nagbahagi si Robredo ng mga sensitibong impormasyon ng Pilipinas sa mga dayuhang opisyal o grupo.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, pwedeng magdulot ng peligro ang pagbubunyag ng anumang iniingatang sikreto ng bansa gayundin ang pagtanggap sa mga personalidad na naninira sa Pilipinas.


Dagdag pa ni Panelo, ang anumang pagtanggap sa tungkulin ng pampublikong opisyal ay kailangang naaayon sa batas at hindi makakasama sa interes at seguridad ng bansa.

Sinabi naman ni Justice Sec. Menardo Guevarra, maituturing na pagtataksil sa bansa ang pagpapabahagi ng mga sensitibong impormasyon.

Sapat na rin aniya itong basehan para bawiin ang appointment ng isang tao.

Una nang sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na kahit mahigpit sila sa paglalabas ng classified information ukol sa kampanya kontra ilegal na droga ay handa naman nilang ibigay ang mga hinihinging impormasyon ng Bise Presidente  basta ito ay may Security Clearance at isasagawa sa close door meeting.

Facebook Comments