Nakatanggap ng Pamasko mula mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte at Department of Foreign Affairs (DFA) ang ilang problemadong Overseas Filipino Workers (OFW) sa Saudi Arabia.
Ipinaabot ang mga regalo kay Chief of Presidential Protocol Robert Borje, Foreign Affair Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Sarah Lou Arriola at Ambassador Adnan Alonto.
Nabigyan ng care package at special financial assistance ang mga Pinoy at Pinay wards sa Al Khobar shelter na naghihintay na lang ng repatriation o pagpapauwi sa kanila sa Pilipinas.
Isang special video message rin ang ipinanuod sa kanila kung saan inihayag ng Pangulo ang kanyang Christmas message, at ang pagkilala at pasasalamat sa kanilang sipag, katapatan at suporta sa gobyerno.
Ayon sa Pangulo, ninanais niyang mapauwi sila ng bansa at magkaroon ng masaganang buhay kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.
Tiniyak rin ni Undersecretary Borje na patuloy na ginagawan ng paraan ng gobyerno na matugunan ang kanilang mga pangangailangan at makapagdagdag ng trabaho sa Pilipinas para makauwi na sila.