Manila, Philippines – Binibigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawang water concessionaires na Maynilad at Manila Water ng tyansa para pagbutihin ang kanilang serbisyo.
Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Salvador Panelo, sa pinaplantsang bagong kasunduan sa pagitan ng gobyerno at dalawang water concessionaires, nais tanggalin ng Pangulo yung mga tinatawag na onerous o tagilid na mga probisyon sa kanilang concession agreement.
Hindi man binaggit ni Panelo ang detalye sa bagong kontrata sinabi nitong ilalabas agad ito ni Pangulong Duterte.
Sa ngayon, hindi muna binubuksan sa ibang players ang nasabing concession agreement pero saka-sakaling tanggihan ito ng Manila Water at Maynilad duon na iaalok sa bagong water concessionaire o ita-take over ng gobyerno ang water distribution.
Matatandaang ilang ulit naging paksa sa talumpati ng Pangulo ang pagkadismaya nito sa serbisyo ng dalawang water concessionaires dahil ginagawa nilang gatasan ng pera ang pamahalaan at ang sambayanang Filipino dahil sa disadvantageous o hindi kapaki-pakinabang na kontrata.