Nagpasalamat si Pangulong Rodrigo Duterte sa Diyos sa ulang bumuhos kasabay ng pagdalo niya sa campaign rally ng PDP-Laban sa Bacolod City kagabi.
Ito ay sa gitna na rin ng nararanasang matinding init na panahon dulot ng El Niño phenomenon.
Sa kanyang talumpati, iginiit ng Pangulo ang pangangailangan ng bansa ng ulan sa panahong ito.
Kasabay nito, nagpaala ang DOST-PAGASA ng “extreme caution” sa publiko dahil sa mataas na heat index o init na nararamdaman bunsod ng mataas na temperaturang nararanasan sa bansa.
Sa taya ng weather bureau, ilang bahagi ng bansa ay makakaranas ng heat index na aabot sa 32 hanggang 41 degrees Celcius na posibleng magresulta ng heat cramps, heat exhaustion at heat stroke.
Payo ng PAGASA, manatiling nasa loob ng bahay at kung nasa labas naman ay magsuot ng light color na damit gaya ng puti.
Uminom ng maraming tubig at dalasan ang pagligo.